Posts

Showing posts from September, 2009

TURBO BROILED SPARERIBS

Image
Ito yung ni-request ng anak kong si Jake na gusto niyang handa sa birthday niya. Kaya naman kahit na may kamahalan ang spareribs sa supermarket, bumili pa rin ako. Imagine, P420 yung spareribs pa lang....hehehehe. Pack-pack kasi ang bili nito. As compare dun sa una kong entry na barbeque spareribs, iba ang timpla at lutong ginawa ko dito. Una, hindi ko ito ginamitan ng instant barbeque sauce. Actually, aksidente lang. Hindi ko alam naubusan na pala ako ng barbeque sauce na mama sita....hehehe. Pangalawa, from the marinade, diretso na agad sa turbo broiler. Yung una kasi, pinalambot ko muna sa marinade mix at saka ko sinalang sa turbo. Dalawang luto kung baga. Pero yun nga, ang sarap ng kinalabasan. Puring-puri nga ng kapitbahay ko ang luto kong ito. Ayun kinausap ako kagabi at ipag-timpla ko daw siya nga ganun....hehehehe TURBO BROILED SPARERIBS Mga Sangkap: 2 kilos Pork Spareribs (i-cut na magkakasya sa turbo broiler) 1 cup Soy sauce 3 tbsp. Hoisin sauce 1 tsp. ground pepper 1 tbsp. r...

JELLY PLAN

Image
Yes, hindi kayo nagkakamali sa recipe na ito. Hindi ito Leche Plan, Jelly Plan talaga. But I tell you masarap ito katulad din ng leche plan. Yun nga lang mas light ito as compare sa napakatamis na leche plan. Ofcourse, wala pa ring tatalo sa paboritong panghimagas ng pinoy ang leche plan. Matagal ko nang balak gumawa nito. Mula ng makuha ko ang recipe nito sa aking kapatid na si Shirley, nitong birthday lang ng anak kong si Jake natuloy ang pag-gawa ko nito. Hindi ko alam kung saan nag-origin ang dessert na ito pero the best magluto nito ang mga kapatid kong sina Ate Mary Ann at Shirley nga. Try nyo. First time ko nga na gumawa nito at hindi naman ako nagkamali. Masarap ito talaga. JELLY PLAN Mga Sangkap: 2 eggs 1 big can Claska Condensed milk 1 big can Alaska Evap (Yung white ang label) 4 cups water 1 bar Yellow color Gulaman 2 cups white sugar 2 tbsp. Vanilla essence or katas ng dahon ng dayap Paraan ng Pagluluto: 1. Sa isang bowl, paghaluin ang itlog, condensed milk, evaporated mi...

SESAME CHICKEN in HOISIN SAUCE

Image
Remember yung Cashew chicken dish na niluto ko? 1 kilo yung chicken breast na nabili ko nun. Masyadong marami for an experimental dish. So ang ginawa ko, binawasan ko ng apat na piraso bale 2 whole breast, nilagyan ko lang ng asin, paminta at calamansi juice and presto, ito ang baon ng mga kids nitong isang araw. Tinanong ko naman kung ano ang lasa...masarap naman daw. Sabagay, ano ang hindi sasarap sa isang lutuing may hoisin sauce at sesame oil? Mula nung matutunan ko na gumamit ng mga ito, na-inlove na ako dito. Kaya naman, hindi ako natatakot na mag-experiment gamit ang mga sangkap na ito. Try nyo ito. Okay na okay na pambaon. SESAME CHICKEN in HOISIN SAUCE Mga Sangkap: 2 whole breast fillet cut into 2 1 tbsp. Hoisin sauce 1 tbsp. Soy Sauce Juice from 3 pcs. calamansi 1 tbsp. Onion leaves 1 tsp. sugar 1 tsp. sesame seeds 1 tbsp. sesame oil 2 tbsp. cooking oil salt and pepper to taste Paraan ng pagluluto: 1. Timplahan ng asin, paminta at katas ng calamansi ang chicken fillet. Hayaa...

MY SON JAKE 11th BIRTHDAY

Image
It's my son Jake 11th birthday last September 22. Syempre kahit papaano ay iniraraos namin itong mag-asawa. Tinanong ko nga ang may birthday kung ano ang gusto niya. Bigyan ko na lang daw siya ng P200 para may pang-libre siya sa classmates niya. BTW, grade 5 pa lang pala ang anak kong ito. Tinanong ko din kung ano naman ang gusto niyang lutuin ko. Dalawa lang ang sinabi niya: Roast barbeque spareribs at pasta carbonara. At ito nga ang niluto ko para sa kanya.. Kami-kami lang naman ang nag-celebrate ng birthday ng anak ko. Enjoy naman ang lahat ahil masarap ang food. Abangan nyo na lang ang mga recipe ng pagkain ito na aking inihanda. bibitinin ko muna kayo ng sandali...hehehehee Have a nice day!!

GOTO

Image
Isang pagkaing pang-meryenda o pwede ding pang-almusal ang entry natin for today. May isa kasing nag-email sa akin na mag-post pa daw ako ng mga recipe na pang-meryenda. So eto nay un…hehehehe. Goto Espesyal ang pangalan ng recipe natin. Ewan ko, basta dinagdag ko lang yung espesyal. Masyado kasing maigsi ang title kung goto lang ang ilalagay ko…hehehehe. Maraming tawag sa pagkaing ito. Pangkaraniwan Lugaw ang tawag dito. Nagkaka-iba na lang ang tawag sa kung anong laman ang isasama mo dito. Di ba may Arroz Caldo o nilugawang manok…may Lugaw tokwa’t-baboy…sa mga Intsik naman congee ang tawag ditto…at ito ngang recipe natin na Goto. Ang pinaka-laman nito ay maaring tokong o laman loob ng baboy o kaya naman ay tuwalya o libro ng baka. Dapat sana gagawin kong callos ang tuwalya ng baka na ito. Pero eto nga sa goto nauwi ang lahat….hehehehe. GOTO ESPESYAL Mga Sangkap: 400 grams Tuwalya o Libro ng baka 1 cup Malagkit na bigas 1 cup ordinaryong bigas 2 thumb size sliced ginger 1 cloves mince...

CASHEW CHICKEN

Image
Nag-uwi ng ganitong pagkain (cashew chicken) ang aking asawang si Jolly nitong isang gabi. Nagka-yayaan ata silang magkaka-officemate na kumain sa isang chinese restaurant sa may glorietta 5 sa makati. Masarap naman yung dish, yun lang matabang ito para sa aking panlasa. Naipangako ko tuloy na magluluto ako ng improved version ko nito. CASHEW CHICKEN Mga Sangkap: 500 grams Chicken breast fillet (walang balat) 1 pc. Green bell pepper cut into cubes 1 pc. Carrots sliced 1/2 Pipino cut into cubes 1 thumb size sliced ginger 1 Onion sliced 1 cup Toasted Cashew nuts 2 tbsp. Oyster sauce 1 tsp. Cornstarch 1 tsp. Sesame oil 1 tsp. sugar salt and pepper Paraan ng Pagluluto: 1. Timplahan ang manok ng asin at paminta. Hayaan muna ng ilang minuto. 2. Sa isang non-stick pan o kawali, i-prito ang manok sa kaunting mantika hanggang sa pumuti na ang kulay ng manok. 3. Itabi sa gilid ng kawali ang manok at igisa ang luya at sibuyas. Halu-haluin. 4. Ilagay na din ang carrots, pipino at cashew. Halu-halu...

CRISPY LIEMPO with CHEESY CORN & CARROTS

Image
Mahalaga sa pagluluto ang tamang dami ng sangkap na ilalagay ganun din kung papano ito lulutuin. Kahit pa yung pinaka-mahal na isda o karne, kung hindi tama ang gagawing pagluluto, hindi din masarap ang kakalabasan. Ganun din naman sa kabaligtaran. Kahit mumurahin o ordinaryong pagkain lang ang lulutuin natin pero kung tama ang sangkap at timpla, nagiging isang espesyal na pagkain ito. Katulad na lang nitong entry natin para sa araw na ito. Pork Liempo. Pangkaraniwan na na prito o kaya naman i-adobo or sinigang na din. Kagaya nga ng sinabi ko, nasa sa atin kung papaano natin ito mapapasarap. Simple lang ang dish na ito. Prito lang. Pero papano ko ito mas lalong pinasarap at lalong maging katakam-takam? Narito ang recipe: CRISPY LIEMPO with CHEESY CORN & CARROTS Mga Sangkap: 1 kilo Pork Liempo (pagdalawahin ang bawaty slice) 1 Lemon salt and pepper to taste 2 tbsp. full Harina 2 tbsp. full Rice Flour 2 tbsp. full Cornstarch 1 8g sachet Maggie magic sarap cooking oil for frying 1 can...

MINATAMIS NA SAGING

Image
Bumisita kami ng aking pamilya sa aking biyenan nitong isang weekend. Medyo may katagalan na din na hindi kami nakakauwi ng Batangas. Kaya naman kahit madali lang kami doon ay natuwa naman ang matanda. Ang isa pang masaya kapag umuuwi kami ng probinsya, ang daming prutas na naiuuwi kami pagbalik namin ng Manila. May rambutan, saging na saba, saging na latundan, dalandan, chico at marami pang iba. Kaya eto para hindi kami makabulukan ng prutas, pinirito ko yung iba. Yung iba naman minatamis ko. Panalo pang meryenda at pang desserts na din. MINATAMIS NA SAGING Mga Sangkap: 10 pcs. Saging na saba (Hatiin sa gitna o hiwain sa nain na laki) 250 grams Sago 1/2 kilo brown sugar 3 tbsp. Vanilla Paraan ng Pagluluto: 1. Sa isang kaserola, lutuin ang saging na saba sa tamang dami ng tubig. 2. After mga 15 minutes, ilagay ang sago, asukal at vanilla. Hayaan ng mga 15 minuto pa sa mahinang apoy hanggang sa medyo lumapot ang asukal. Palamigin muna bago ihain. Masarap ito kung lalagyan ng ginadgad n...

BISTEK ALA POBRE

Image
Sa pagluluto, hindi naman kailangan na strict tayo sa mga measurement o dami ng sangkap na ati ng ilalagay. Kung baga, tantya-tantiyahan lang. Kahit ang mother ko kung saan ako natutong magluto ganun din ang ginagawa niya. Siya nga iba, amoy lang alam na niya kung ano ang kulang. Ang importante lang ay alam natin ang basic na sangkap and the rest ay nasa sa atin na yun kung papano natin mapapasarap ang lutuin. Katulad na lang ng entry natin for today. Simpleng bistek na baka. Basta ang pagka-alam ko basta pagsamasahin mo lang ang baka, toyo, katas ng calamansi at anumang panimpla at pakuluuan, presto may bistik ka na. Pero hindi nitong niluto kong Bistek ala Pobre o ang bistek ng mahihirap (..teka...papanong magiging beef steak ito ng mahihirap? e ang mahal kaya ng baka...hehehehe).... binago ko ang ilang pamamaraan and I tell you, ang sarap ng kinalabasan. Eto nga, ito ang baon ko ngayon dito sa office....hehehehe. Try nyo ang twist...di kayo mabibigo....hehehehe. Your bistek will nev...

DRUNKEN PORK with HOISIN SAUCE

Image
Narito ang isa sa mga dish na inihanda ko sa aking birthday celebration. Actually, first time kong gumamit ng alcohol sa aking niluluto at hindi naman ako nagkamali, masarap ang kinalabasan ng finish product. Sa isang food blog ko din nakuha ang idea na lagyan ng gin ang marinade ng dish na ito and to make sure na hindi papangit ang lasa, sinunod ko talaga yung tamang dami ng gin na ilalagay. Puring-puri din ito ng mga bisita. Gulat nga sila ng sinabing kong may gin yung dish....hehehehehe DRUNKEN PORK with HOISIN SAUCE Mga Sangkap: 1 kilo Porkloin or Lomo 1/2 cup The Bar Lemon and Lime Gin 1 pc. Lemon 1 tsp. Dried Rosemary 5 cloves minced garlic 1 tsp. ground pepper 1 tbsp. rock salt 1 tbsp. Soy sauce 2 pcs. Star Anise 2 tbsp. brown sugar 3 tbsp. Hoisin Sauce 3 tbsp. Olive oil Paraan ng Pagluluto: 1. I-marinade ang karne ng baboy sa asin, paminta, bawang, dried rosemary, star anise, katas ng lemon at gin. Gadgarin din ang balat ng lemon at isama sa marinade. Hayaan ng mga isang o...

FISH, BASIL AND CHEESE SPRING ROLL

Image
Kagaya nung nasabi ko sa last post ko na lupia, kahit ano mapa-gulay, manok o baboy man, pwede natin itong ipalaman. Pag-isipan na lang natin kung ano pa ang isasama para mas lalong sumarap ito. Ang isa nga sa mga suggestion ko ay ang pag-gamit ng mga sangkap na may strong flavor. Halimbawa na lang ay ang dahon na kinchay o wansuy. Pwede din ang isdang tinapa, o kaya naman smoke longanisa. Kung baga, ang pwedeng ipalaman natin sa lumpia ay endless. Isa nga pala ito sa mga inihanda ko sa nakaraan kong kaarawan. May guest kasi akong muslim ay naghanda ako ng pwede niyang kainin o i-takeout. At ito na nga yun. Nagustuhan naman niya at ng asawa niya ang pagkaluto. Try nyong subukan na mag-experiment ng iba-ibang sangkap na palaman. Bukod sa masarap na ito, mura pa. FISH, BASIL AND CHEESE SPRING ROLL Mga Sangkap: 500 grams Fish Fillet (Any white meat fish will do) cut ito sticks 1/2 bar Cheese cut also like a stick 2 cups chopped fresh basil leaves 2 tbsp. Sesame oil 2 tbsp. Toasted Sesame ...

CHICKEN LIVER and BROCOLLI in OYSTER SAUCE

Image
Ito ang isa sa mga handa ko nitong last birthday. Bumili ako ng 1 kilo ng chicken liver. Ang unang plano ay gawin ko itong sahog sa bringhe o arroz valenciana. Gusto ko kasi ng rice dish na yun. Kaso, kumontra ang asawa ko....hehehe. Tapos sabi ko chopsuey na lang para kako may gulay. Aba di pa rin siya agree. So ang ginawa ko kahit mahal ang brocolli ito ang inilahok ko sa atay ng manok. Ang you know what? Nagustuhan ng mga bisita ko ang dish na ito. Yung isa ko ngang officemate na kumare kong si Perly, mula daw nung nakakain siya ng medyo malansa yung luto, hindi na daw siya kumain ng atay ng manok. Pero nitong matikman niya itong luto ko, nagustuhan niya. Masarap daw at walang lansa ang atay. CHICKEN LIVER and BROCOLLI in OYSTER SAUCE Mga Sangkap: 1 kilo chicken Liver cut into serving pieces 500 grams Brocolli 1/2 cup Oyster Sauce 5 cloves minced garlic 1 large Red Onion chopped 1 tsp. brown sugar 1 tsp. cornstarch salt and pepper to taste 2 tbsp. Olive oil Paraan ng Pagluluto: 1. P...

MY 42nd BIRTHDAY - THANK YOU MY LORD

Image
It's my 42nd birthday last September 12. Every year, iniraraos ko ito kahit papaano. Natatandaan ko kasi nung bata pa ako, ganun din ang ginagawa ng aking namayapang Inang Lina. Basta kahit ano magluluto siya just to celebrate mg birthday. Minsan, nagluluto siya ng mga kakanin, minsan naman nilugawang manok o kaya naman pancit. Kahit simple lang yun tuwang tuwa na ako, kasi nga dapat daw ipagpasalamat ang mga kaarawan na dumadating sa atin, at ito daw ay isang napakalaking biyaya sa atin ng Diyos. Kaya naman sa aking ika-42 kaarawan, ibinabalik ko ang pagpupuri at pasasalamat sa ating Diyos na Lumikha. Salamat, at sa 42 taon ng aking buhay, ni minsan ay hindi pa ako na-confine sa hospital. At sa awa din ng Diyos malakas pa tayo na nabubuhay. Sa baba ang mga kaibigan ko na hindi nakakalimot...kahit umuulan at malayo pa ang kanilang tinitirhan ay pumunta pa rin sila para makisaya sa aking kaarawan. From left my wife Jolly, Shiela, Franny at John. Dumating din ang ilan sa mga officema...

TORTANG ALAMANG ESPESYAL

Image
Narito ang isang dish na napaka-simple at napaka-tipid. Budget meal kung baga. Bakit hindi, mura lang kasi ang bili ko sa alamang. At kung tutuusin nga ang kabuuan ng nagastos ko sa dish na ito siguro aabot lang ng P60 lahat lahat. Ang tipid di ba? Matipid pero hindi matipid sa lasa. Nagustuhan nga ng asawa kong si Jolly at mga anak ko. Papano pala naging espesyal? Well, nilagyan ko ng chopped fresh basil leaves at olive oil ang ginamit ko sa pagpi-prito. Try nyo ito, ang sarap. TORTANG ALAMANG ESPESYAL Mga Sangkap: 1/2 kilo Alamang 2 eggs beaten 3 tbsp. harina 1/2 cup chopped fresh basil leaves 1/2 cup Olive oil 1 tsp. salt maggie magic sarap Paraan ng Pagluluto: 1. Paghaluin ang lahat ng sangkap maliban sa olive oil 2. Sa isang non-stick pan, ilagay ang olive oil, hayaang uminit ang kawali. 3. Sa isang platito, maglagay ng mga 2 o 3 kutsara ng pinaghalong sangkap. 4. I-prito ito hanggang sa maluto at mag-golden brown ang kulay. Hanguin sa isang lalagyan. Ihain na may kasamang catsup...

GARLIC CHICKEN with MUSHROOM

Image
Adobo dapat ang unang plano na gagawin ko sa manok na ito. Ewan ko ba bakit at the last minute nabago ang plano. Nakita ko kasi yung isang lata ng whole button mushroom, so naisip ko lang, bakit hindi ko ito gamitin. Dapat sana chicken with gravy and mushroom, kaso naparami ata yung garlic na nailagay kaya ayun nabago bigla ang kabuuan ng dish. Masarap naman ang kinalabasan kaya i-try nyo. It's a simple dish pero malasa dahil sa bawang. GARLIC CHICKEN with MUSHROOM Mga Sangkap: 1 kilo Chicken legs cut into serving pieces 2 head minced garlic 1 big can Whole button mushroom (hiwain a gitna) 1 cup butter 1 tsp. cornstarch Maggie Magic sarap salt and pepper to taste Paraan ng Pagluluto: 1. Lagyan ng asin at paminta ang manok. Hayaan ng mga 15 minutes. 2. Sa isang non-stick pan, i-prito sa butter ang bawang hanggang sa pumula. Hanguin sa isang lalagyan. 3. Sa parehong kawali, i-prito ang manok hanggang sa pumula ang balat. Bali-baligtarin. 4. Ilagay ang sabaw ng mushroom sa niluluto a...

PORKCHOPS with HOISIN SAUCE

Image
Nakakasawa na ba ang prito o bistek na porkchops? Eto ang ibang luto na pwede nating gawin. Kakaiba ang lasa at medyo chinese ang dating. Ofcourse, masarap naman talaga ang breaded porkchops at bistek...kung baga para maiba lang. Try nyo ito at sigurado kong magugustuhan ng inyong mga anak ang lutong ito. PORKCHOPS with HOISIN SAUCE Mga Sangkap: 1 kilo Porkchops 6 pcs. Calamansi 2 tbsp. Hoisin Sauce 2 tbsp. Soy Sauce 1/2 carrots cut into sticks 2 cloves minced garlic 1 thumb size grated ginger 1 tbsp brown sugar 1 tbsp. corn starch 1 cup flour salt and pepper cooking oil for frying Paraan ng Pagluluto: 1. I-marinade ang porkchops sa asin, paminta at katas ng calamansi. Overnight mas mainam. 2. Ilagay ito sa isang plastic bag at lagyna ng harina, konting asin at paminta. Aklog-alugin hanggang sa ma-coat ang porkchops ng harina. 3. I-prito ito sa kumukulong mantika hanggang sa pumula ang balat nito. 4. Bawasan ng mantika ang kawali at igisa ang bawang at luya 5. Ilagay ang carrots, toyo,...

FISH, LONGANISA and CHEESE SPRING ROLL

Image
Nakakatuwang lutuin ang lumpia o spring roll. Ang dami mo kasing pwedeng gawing palaman dito. Mapa-prito man o fresh, solve talaga ito. Ofcourse very common sa atin ang lumpiang shanghai na giniling na baboy ang palaman. So para hindi naman maging boring ang ating lumpia, bakit hindi natin ito lagyan ng ibang palaman. Suggestion ko lang, gumamit tayo ng palaman na malasa o yung strong ang flavor. Ito ang ginawa ko sa recipe natin for today. Remember yung lumpia ko with char siu sauce? Thats my classic example. Yun nga palang ginamit ko dito ay half nung isda na ginamit ko sa una kong entry. Ang tipid di ba? hehehehe FISH, LONGANISA and CHEESE SPRING ROLL Mga Sangkap: 500 grams Fish Fillet (Cream of Dory ang ginamit ko dito) cut into sticks 4 pieces cooked longanisa cut like a stick 1/4 bar cheese cut also like a stick 1 cup chopped Kinchay 1 tsp. sesame oil 1 tsp. Maggie Magic Sarap salt and pepper Lumpia wrapper cooking oil for frying Paraan ng pagluluto: 1. Timplahan ng asin, paminta...

BARBEQUE SPARERIBS with HOISIN SAUCE

Image
First time ko lang gumamit ng Hoisin Sauce sa aking niluluto at masasabi kong hindi ako nagkamali sa pag-gamit nito. Kagaya nitong recipe natin for today. Barbeque Spareribs na bukod sa pinalambot ko sa barbeque marinade mix ay nilagyan ko pa ng hoisin sauce. Ang sarap talaga. Hindi nga napigilan ng asawa ko at mga anak na mag-kamay habang kinakain nila ito.....hehehehe. Try it!!! BARBEQUE SPARERIBS with HOISIN SAUCE Mga Sangkap: 1 kilo Pork Spareribs 1 cup Mama Sita's Barbeque Marinade Mix 1 head minced garlic 2 tbsp. Hoisin Sauce 1 tbsp. Brown sugar 1 tsp. ground pepper 1 tsp. salt Paraan ng Pagluluto: 1. Sa isang kaserola, paghaluin ang lahat ng sangkap maliban sa hoisin sauce. 2. Pakuluan ito hanggang sa lumambot ang laman ng karne. Maaring lagyan ng kaunting tubig kung natutuyuan ito ng sauce. 3. Hanguin ang karne at lutuin muli sa turbo broiler. 4. Haluan ng konting sauce ng pinagpalambutan ng karne ang hoisin sauce at ito ang ipahid sa nilulutong karne. 5. lagyan muli ng hoi...

ROAST CHICKEN in SINIGANG MIX

Image
Natatandaan nyo yung entry ko na Pork Sinarabasab? Isang Ilocano dish na nabasa ko din lang sa isang food blog dito sa net. Ito ang naging inspiration ko sa recipe natin for today. Ang pagkakaiba lang nito ay ni-roast ko ito sa turbo broiler, hindi ko nilagyan ng brown sugar at manok ang ginamit ko. Dito ko napagtanto na napaka-versatile pala talaga ng sinigang mix. Hindi lang ito talagang masarap sa mga sinigang nalutuin, kahit pala sa mga prito o roast dishes man din. I-try nyo ito. ayos na ayos ito sa mga pambaon at maging sa mga picnic. ROAST CHICKEN in SINIGANG MIX Mga Sangkap: 1 kilo Chicken legs o 1 whole chicken 1 40g sachet Sinigang mix 2 tbsp. rock salt 1 tsp. ground pepper Paraan ng Pagluluto: 1. Paghaluin ang asin, paminta at sinigang mix. 2. Ikiskis na mabuti ito sa katawan ng manok. Mainam kung hihiwaan o gigilitan ang laman ng manok para mapasukan ng marinade mix. Tiyakin na nalagyan ang buong parte ng karne ng manok. 3. Balutin ng plastic at ilagay sa refrigerator ng mg...

KALDERETANG BUTO-BUTO

Image
Ang kaldereta ang isang lutuin na talaga namang espesyal. Matitikman natin ito sa mga espesyal na okasyon kagaya ng fiesta, kasalan, binyagan o kaya naman birthday. Kambing o baka ang pangkaraniwang ginagamit dito. Pero kahit naman baboy o manok ay pwede ding gamitin sa putaheng ito. Katulad ng entry natin for today, spareribs o buto-buto ng baboy ang ginamit ko dito. At isa pa, medyo shortcut ang luto na ginamit ko dito. Instant kaldereta mix kasi ang ginamit ko. hehehehe. Try it! Isa na namangmasarap na putahe ito. KALDERETANG BUTO-BUTO Mga Sangkap: 1 kilo Pork Spareribs cut into serving pieces 1 medium carrots cut into cubes 2 medium potatoes cut into cubes 1 large red bell pepper 1 sachet Mama Sita Calderta Mix 1/2 cup vinegar 1/2 up soy sauce 2 tbsp. peanut butter 5 cloves minced garlic 1 large red onion chopped 2 large tomatoes chopped salt and pepper Paraan ng Pagluluto: 1. Sa isang kaserola, igisa ang bawang, sibuyas at kamatis sa kaunting mantika. 2. Ilagay ang buto-bito o sp...

BEEF with POTATOES and GRAVY

Image
Hindi ko akalain na ganito kasarap ang kakalabasan ng luto kong ito. Wala naman akong espesyal na sangkap na ginamit pero yun nga the final product was so good. Nakuha ko din lang ang recipe na ito sa aking paboritong food blog dito sa net ang http://www.pinoycook.net/ . Thanks Ms. Connie. But ofcourse just like many other cook, binago ko naman ng kaunti ang paraan ng pagluluto ko. Sabi nga, do it in your own style...hehehehe BEEF with POTATOES and GRAVY Mga Sangkap: 750 grams Sliced Beef 3 pcs. medium Potatoes cut into cubes 1/2 cup butter 1 head minced garlic 1 large onion chopped 1 cup chopped onion leaks 2 tbsp. flour 1 tbsp. soy sauce salt and pepper 1 tsp. maggie magic sarap. Paraan ng pagluluto: 1. Pakuluan hanggang sa lumampot ang hiniwang baka sa asin, paminta at onion leaks. Hanguin sa isang lalagyan. 2. Sa isang kaserola, i-prito ang bawang sa butter hanggang mag-golden brown. Hanguin sa isang lalagyan. 3. Sa parehong lutuan, igisa ang sibuyas. Halu-haluin. 4. Ilagay ang pin...

STEAMED CHICKEN with GARLIC & GINGER DIP

Image
Hindi pangkaraniwan sa ating mga Pilipino ang mga pagkaing ini-steam o pinasingawan lang. Ito ay pamamaraan ng pagluluto na minana natin sa mga Intsik. Di ba gustong-gusto natin ang mga pagkaing siopao at siomai? Yung steamed lapu-lapu di ba ang sarap-sarap din nyon? How about steamed chicken? The first time na naka-tikim ako ng pagkaing ito ay nung napunta ako ng Hong Kong for a training. That's a long time ago...hehehehe. Ang natatandaan ko may sawsawan pa yung parang oyster sauce na ewan ko kung ano yun, pero masarap siya. For this recipe, nag-research ako ng kaunti para naman may masarap akong mai-share sa inyo. Sa totoo lang, ang sarap nito. Kakaiba sa mga pangkaraniwang luto natin sa ating mga manok. Try it! STEAMED CHICKEN with GARLIC & GINGER DIP Mga Sangkap: 1 kilo Chicken Legs (lagyan ng mga tatlong hiwa sagad hanggang sa buto) 1 tsp. Dried Basil 1 tsp. Dried Rosemary 2 tbsp. rock salt 1 tsp. ground pepper 1 tsp. sesame oil 1 thumb size grated ginger 1 tangkay na Tang...

PAKSIW NA PATA with LECHON SAUCE

Image
May nag-email sa akin na Pinoy na naninirahan na sa Amerika na kung pwede daw mag-post ako ng mga recipe na pwedeng lutuin sa slow cooker. Sa totoo lang hindi pa ako nakakagamit ng ganun. Pero sa tingin ko ay para lang siyang rice cooker na ilagay mo lang ang lahat ng sangkap dun at lulutuin na. Sabagay, dahil sa sobrang busy ng tao sa US of A..talaga namang wala na silang time pa para magluto ng mga masasarap na pagkain. Kaya eto, simpleng lutuin na pwedeng lutuin sa slow cooker. Simpleng lutuin pero masarap. Ingat lang ng konti sa taba...hehehehe. PAKSIW NA PATA with LECHON SAUCE Mga Sangkap: 1-1/2 kilo Pork Pata (sliced) 1 head minceds garlic 1 large red onion chopped 1 tsp. ground pepper 1 tsp. salt 2 cups mang Tomas Sarsa ng Lechon 1/2 cup Soy sauce 1/2 cup Vinegar 3 tbsp. brown sugar Paraan ng Pagluluto: a. Kung slow cooker ang gagamitin, ilagay lang ang lahat ng sangkap. b. Kung hindi naman: 1. Sa isang kaserola, pakuluuan ang pata ng baboy sa tubig na may asin. 2. After ng mga ...

HONEY GLAZED HERBED CHICKEN

Image
Sa totoo lang, ang mga manok na ginamit ko dito sa lutuing kong ito ay part nung niluto kong steamed chicken (Abangan nyo susunod na yun). Para kasing duda ang asawa ko sa steamed chicken. Ang gusto niya i-turbo ko na lang. Kaya lang, komo nga interesado talaga ako sa stamed chicken, hinati ko na lang ang mga manok at eto nga ni-roast ko na lang sa turbo broiler. Aba, masarap din ang kinalabasan. Sabagay, ano ba ang hindi sasarap sa mga herbs sa ginamit ko at sa honey glazed....hehehehe. Ayun bundat na naman sa kabusugan ang mga anak ko....hehehehe HONEY GLAZED HERBED CHICKEN Mga sangkap: 1 kilo Chicken legs 1 tbsp. rock salt 1 tsp. groud pepper 1 tsp. dried Basil 1 tsp. dried rosemary 5 cloves minced garlic 2 tbsp. Pure Honey 1 tbsp. Soy Sauce Paraan ng Pagluluto: 1. Sa isang bowl, paghaluin ang asin, paminta, dried basil, dried rosemary at minced garlic. 2. Ikiskis itong mabuti sa manok. Hayaan ng mga 1 oras o overnight. 3. Lutuin ito sa oven o turbo broiler at 350 degrees sa loob n...

BACON, TOMATO and CHEESE FRITTATA

Image
May kamahalan ang bacon. Ang isang 250 grams ay nagkakahalaga ng mga P100+ pesos din. Papaano mapagkakasya ito kung lima kayo sa pamilya na kakain? Medyo bitin di ba? So ang pwedeng gawin ay gamitan ng mga extender. Katulad ng entry natin for today, 250 grams ito na bacon na nilagyan ko ng 3 itlog, kamatis, onion at cheese. Ang sarap ng kinalabasan. Masarap ito sa sinangag na kanin o kaya naman ay toasted bread. Try nyo ito. BACON, TOMATO and CHEESE FRITTATA Mga Sangkap: 250 grams Bacon (cut into small pieces) 1 large tomato (cut into cubes) 1 large White Onion chopped 1/2 cup Onion leaves chopped or Cilantro 1/2 cup grated Cheese 3 cloves Minced Garlic 2 tbsp. Olive oil or butter 4 eggs beaten salt and pepper Paraan ng pagluluto: 1. Sa isang non-stick pan, i-prito ang bacon sa kaunting mantika. Halu-haluin hanggang sa pumula ng kaunti. Itabi sa gilid ng kawali 2. Igisa ang bawang, sibuyas at kamatis. Halu-haluin 3. Timplahan ng asin at paminta ayon sa inyong panlasa. Hanguin sa isang ...

FRIED TANIGUE in BLACK BEANS SAUCE

Image
Medyo mahal na isda ang tanigue. Ang presyo nito per kilo ay para ka na ring bumili ng 1 kilong baka. Kagaya nitong niluto kong ito, P300 ang kilo nito. Sabagay, masarap naman talaga ang isdang ito. Mapa-prito man o may sabaw, panalo ang kain mo. Nung una hindi ko maisip kung anong luto ang gagawin ko dito. Kakatapos lang namin ng isdang sinigang so prito talaga ang babagsakan. Inisip ko na lang, dapat espesyal ang gawin kong luto dito para masulit yung pagkakabili ko. Ang mahal kaya...hehehehe. At eto nga ang kinalabasan...pinirito ko muna sa olive oil at nilagyna ko ng black bean sauce. Panalo ito...try it! FRIED TANIGUE in BLACK BEANS SAUCE Mga sangkap: 1 kilo Sliced Tanigue 3 tbsp. Olive oil or butter 3 tbsp. Black Bean Sauce 2 tbsp. Oyster Sauce 1 tsp. cornstarch 3 cloves minced garlic 1 medium size onion chopped 1 thumb size grated ginger 1/3 cup Chopped Cilantro or Wansuy Salt and pepper 1 tsp. sugar Paraan ng Pagluluto: 1. Timplahan ang isda ng asin at paminta. Hayaan ng mga 15...

SINIGANG na BAKA sa SAMPALOK

Image
Bukod sa Adobo, ang sinigang marahil ang pagkaing Pilipino na maipagmamalaki talaga natin. Katulad nga ng adobo, marami din itong variety. Mapa isda, baboy, manok o baka man ay pwedeng isigang. At iba-iba din ang pang-asim na ginagamit dito. Pangkaraniwan ang sampalok. Pwede din ang kamyas, o kaya naman kalamansi, may nadinig nga ako santol naman. May gumagamit din ng pinya at kahit ano pa mang pwedeng pang asim. Sa panahon ngayon, napakadali lang na magluto ng sinigang. Ang dami na kasing available na sinigang mix na ibubuhos mo na lang sa iytong niluluto. But ofcourse, iba pa din ang orig o yung niluto mo kung papano ito niluluto noong araw. Ito ang ishe-share ko sa inyo for today. Sa sinigang na ito, hbindi ako gumamit ng instant sinigang mix. Talagang sa purong bunga ng sampalok ko kinuha ang pangasim. Sa isang masarap na lutuin, bukod sa pagmamahal na inilalahok mo dito, mas masarap pa rin kung ito ay iyong pinaghihirapan. SINIGANG na BAKA sa SAMPALOK Mga Sangkap: 1 kilo Beef Bris...