CRISPY LIEMPO with CHEESY CORN & CARROTS





Mahalaga sa pagluluto ang tamang dami ng sangkap na ilalagay ganun din kung papano ito lulutuin. Kahit pa yung pinaka-mahal na isda o karne, kung hindi tama ang gagawing pagluluto, hindi din masarap ang kakalabasan. Ganun din naman sa kabaligtaran. Kahit mumurahin o ordinaryong pagkain lang ang lulutuin natin pero kung tama ang sangkap at timpla, nagiging isang espesyal na pagkain ito.

Katulad na lang nitong entry natin para sa araw na ito. Pork Liempo. Pangkaraniwan na na prito o kaya naman i-adobo or sinigang na din. Kagaya nga ng sinabi ko, nasa sa atin kung papaano natin ito mapapasarap.

Simple lang ang dish na ito. Prito lang. Pero papano ko ito mas lalong pinasarap at lalong maging katakam-takam? Narito ang recipe:




CRISPY LIEMPO with CHEESY CORN & CARROTS


Mga Sangkap:

1 kilo Pork Liempo (pagdalawahin ang bawaty slice)

1 Lemon

salt and pepper to taste

2 tbsp. full Harina

2 tbsp. full Rice Flour

2 tbsp. full Cornstarch

1 8g sachet Maggie magic sarap

cooking oil for frying

1 can Whole kernel corn

1 large carrots diced

1/2 cup grated cheese

1 tbsp. cooking oil


Paraan ng Pagluluto:

1. I-marinade ang karne ng baboy sa asin, paminta at katas ng lemon. Gadgarin din ang balat ng lemon at isama sa marinade. Hayaan ng mga 30 minuto.

2. Paghaluin ang harina, rice flour, cornstarch at maggie magic sarap. Ilagay sa isang plastic o grocery bag.

3. Ilagay dito ang karne, lagyan ng hangin ang loob ng plastic bag, isarado at alug-alugin ang karne sa loob ng plastic bag hanggang sa ma-coat na mabuti ang karne.

4. I-prito ito sa kumukulong mantika hanggang sa mag-golden brown. Hanguin sa isang lalagyan na may paper towel para maalis ang excess na mantika.

5. Para sa side dish: Maglagay ng kaunting manitka sa kawali at ilagay ang diced na carrots. Halu-haluin hanggan sa medyo maluto ang carrots.
6. Ilagay ang corn kernel at cheese. Hayaan hanggang sa kumulo at maluto ang mga sangkap.
7. Maari din lagyan ng asin at paminta kung nais.

Ihain ang pork liempo na may kasamang catsup o Mang Tomas sarsa ng lechon. Ihain sa tabi ang nilutong corn and carrots na may cheese.

Enjoy!!!

Note: What new in this recipe? Yung pag-gamit at paghahalo-halo ng harina, rice flour at cornstarch. Sa pamamagitan nito mas napapalutong o crispy ang nilulutong pinirito. Maari din itong gamitin sa fried chicken o ano mang nais i-prito. Nabasa ko din lang ito sa isang chinese cook book. At isa pa, yung corn and carrots ko na side dish cheese ang inilagay ko. Kasi ba naman akala ko may butter pa ako sa fridge wala na pala. Kaya ayun cheese na lang ang inilagay ko. Pero sa totoo lang, mas masarap ang kinalabasan.


Comments

Popular posts from this blog

FOOD SUGGESTIONS para sa mga MAHAL na ARAW

KARE-KARE

Sinigang na Baboy