SINIGANG na HIPON sa CALAMANSI
Sa mga pagkaing Pilipino na may sabaw marahil nangunguna sa listahan natin ang sinigang. Mapa baboy man o isda, baka man o manok, o kahit na seafoods pa ang laman nito, panalong-panalo talaga ang asim ng sabaw nito. Kung mag Tom Yum ang Thailand, syempre hindi naman papatalo ang ating sinigang.
Maraming pang-asim an pwedeng gamitin sa sinigang. Ofcourse pinaka-common dito ang sampalok. Pwede din ang kamyas, santol, manggang hilaw o kaya naman ay calamansi. Kahit saang parte ng Pilipinas ay may kaniya-kanyang version ng sinigang. Depende na lang siguro kung anong pang-asim ang available sa lugar na yun.
Kaya nga sa recipe kong ito for today, naalala ko ang sinigang na bangus sa calamansi na inihain sa amin ng aking Ate Mary Ann nung huling beses na dumalaw kami sa aming lugar sa Bocaue Bulacan. Nagustuhan ko talaga yung asim ng calamansi na kanyang inilagay. Kaya naman ito din ang ginamit ko sa sinigang na hipon na ito na niluto ko.
SINIGANG na HIPON sa CALAMANSI
Mga Sangkap:
1 kilo Hipon o Sugpo (alisin ang sungot o balbas)
1/2 cup Katas ng Calamansi (or more depende sa asim na gusto ninyo)
1 taling Sitaw
1 taling Kangkong
1 pc. Labanos hiwain ng palihis
4 pcs. Siling pang-sigang
2 pcs. Kamatis quartered
1 large Onion Sliced
patis or salt to taste
Paraan ng pagluluto:
1. Sa isang kaserola, magpakulo ng tubig o hugas bigas. Ang dami ay depende sa nais na dami ng sabaw.
2. Ilagay na ang sibuyas, kamatis, sitaw, siling pang-sigang at labanos.
3. Kung malapit nang maluto ang mga gulay, ilagay na ang hipon at katas ng calamansi.
4. Timplahan ng asin o patis ayon sa inyong panlasa. Hayaan ng mga 5 minuto.
5. Huling ilagay ang kangkong.
6. Tikman ang sabaw at i-adjust ang lasa.
Ihain habang mainit pa ang sabaw. Gawing sawsawan ang pinirat na siling pang-sigang at patis.
Enjoy!!!!
Comments