HAPPY FATHERS DAY Tatang Villamor
Sa espesyal na araw na ito, hayaan nyong magpugay ako sa isa sa mga importanteng tao sa ating buhay. Ang ating mga ama.
Dito sa atin sa Pilipinas, maraming tawag sa ating mga ama. Ako in particular, Tatang ang tawag ko sa aking ama. Yung iba naman ay Papa. Meron din Tatay. May tumatawag din ng Itay, Ama, Amang, Daddy, Itang at iba pa.
Ang aking Tatang Villamor ay 69 years old na. Malakas pa siya bagamat may mga nararamdamang sakit na din katulad ng rayuma at athritis.
Solong anak na lalaki ang aking tatang at 5 silang magkakapatid. Nagiisa lang siyang anak na lalaki kaya siya lang ang katu-katulong ng aking lolo sa pagsasaka.Walang maipagmamalaking mga titulo ang aking tatang. Hindi siya nakapag-tapos ng pag-aaral. Pero napakarami niyang mga kaibigan at hindi matatawaran ang kanyang katapatan sa mga ito.
Nung namatay nga ang kanyang kauna-unahang apo, napakarami ang nakiramay at nakipag-libing. Hindi ko lubos maisip na kahit bata lang ang namatay ay marami pa rin ang nakiramay. At sabi nga ng aking tatang, "Iyan ang nagagawa ng pagiging palakaibigan at pakikipag-kapwa".Wala mang materyal na kayaman ang aking tatang, pero masasabi kong napakayaman niya sa mga nagmamahal sa kaniya. Ang kanyang pamilya at kanyang mga kaibigan.
Hindi ko matandaan na sinabihan ko ng I love you ang aking Tatang Villamor kahit nung maliliit pa kami. Pero sa kaibuturan ng aking puso ay mahal na mahal ko siya. Kung hindi tama ang pagpapalaki niya sa aming magkakapatid, hindi marahil kami magiging matagumpay at mabubuting tao ng lipunan.Ngayong ako ay ama na din ng tatlo kong mga anak, pipilitin kong matapatan kundi man malampasan ang pagpapalaking ginawa niya sa akin. Ituturo ko sa kanila ang pagmamahal sa Diyos at ang pagiging mabuting tao ng lipunan.
Dalangin ko sa Diyos na sanay bigyan pa siya ng mahabang buhay. Nang magandang kalusugan at lakas ng katawan. Nang mga biyayang kailangan niya sa araw-araw. Sanay makita pa niya ang mga anak ng kanyang mga apo.HAPPY FATHERS DAY TATANG!!! At mahal na mahal kita....
Dennis
Comments