HAPPY FATHER'S DAY Tatang Villamor
Tuwing ikatlong linggo ng Hunyo, ipinagdiriwang sa maraming parte ng mundo ang Father's Day o ang Araw ng mga Ama. At kasama ang Pilipinas, ipinagdiriwang din natin ang espesyal na araw na ito para sa ating mga Ama. Ano man ang tawag natin sa kanila, Tatay, Itay, Amang, Ama, Tatang, Papa, Daddy at ano pa...Sila ang isa sa mga mahahalagang tao sa ating buhay.
Sa pagkakataong ito nais kong mag-pugay sa nagiisa at pinakamamahal kong Tatang Villamor. 70 years old na siya at sa awa ng Diyos ay malakas pa rin. Simpleng tao lang ang akinag ama. Sa pagkabata pa lang niya ay banat na ang katawan niya sa bukid. At hanggang ngayon ay iyun pa din ang kanyang trabaho.
Noong mga bata pa kami ng kuya ko, isinasama niya kami sa bukid para mag-saka. Magtatabas ng mga damo sa bukid o kaya naman ay nagdadala sa kanya ng pagkain. Mahirap ang trabaho sa bukid, nakita niya marahil na parang ayaw namin ng trabahong ganito. Kaya naman hindi niya napilit na sa bukid din kami mauwi. Kaya naman pinagsikapan namin at ng aming mga magulang na makapag-aral para hindi matulad sa kanila.
Ang isang maipagmamalaki ko sa aking Tatang ay ang kanyang ugaling pala-kaibigan. Marami siyang kaibigan at kilalang-kilala siya sa aming baryo. Nung namatay nga ang una niyang apo, napakarami ng nakipaglibing na bihirang mangyari kapag bata ang namatay. Sabi niya, "Yan a ng nagagawa ng pakikisama". At yun din naman ang lagi kong tinatandaan sa aking pagtanda.
Hindi man kami mayaman pero napalaki niya kami na mabubuting tao at may pagmamahal sa Diyos. Kung hindi dahil sa kanila ay hindi ko marahil maaabot kung ano man ako ngayon. At naipangako ko sa aking sarili na palalakihin ko din ang aking mga anak kung papaano niya ako pinalaki.
Dalangin ko sa Diyos na sana ay bigyan pa ng maraming buhay ang aking Tatang Villamor, bigyan siya ng malusog na pangangatawan at sana ay huwag siyang magkakasakit. Makasama pa sana namin siya ng marami pang taon.
Amen.
HAPPY FATHER'S DAY TATANG VILLAMOR!!!!
Comments