TOFU and CHICKEN ADOBO
Paborito ko ang chicken adobo. Kahit noong araw na binata pa ako at nagbo-board dito sa Maynila para mag-work, kapag umuuwi ako sa amin sa Bulacan, talaga ipinagluluto ako ng aking Inang Lina ng paborito kong adobo. Until now na marunong na akong magluto, hindi ko pa rin matumbasan o magaya ang adobo ng aking Inang. Ewan ko ba. Iba lang talaga siguro ang pagmamahal ng aking Inang sa akin kaya ibang sarap talaga ang aking nalalasahan at nararamdaman kapag kumakain ako ng kanyang adobo.
Sa aking pamilya, paborito din nila ang aking adobo. At para hindi nakakasawa, nilalagyan ko ito ng variation o ibang sangkap. Kagaya nitong chicken adobo na niluto nitong isang araw. Nilagyan ko pa ito ng tofu o tokwa. Masarap naman ang kinalabasan lalo na nung kumapit na ang lasa ng adobo sa tokwa. Okay na lagyan nitong tokwa ang inyong adobo. Kung baga, naging extender siya ng chicken para dumami at makatipid na din.
TOFU and CHICKEN ADOBO
Mga Sangkap:
1 whole Chicken (cut into serving pieces)
1 block Tofu o Tokwa (cut into cubes)
1 cup Vinegar
1/3 cup Soy Sauce
1 head minced Garlic
1 tsp. ground Black pepper
1 tbps. Brown Sugar
1 tsp. Worcestershire Sauce
1 tsp. Maggie Magic Sarap
Salt to taste
Paraan ng pagluluto:
1. Sa isang kawali, i-prito ang tokwa hanggang sa maluto. Hanguin muna sa isang lalagyan.
2. I-prito din ang bawang hanggang sa mag-golden brown ang kulay. Hanguin sa isang lalagyan.
3. Bawasan ang mantika sa kawali. Magtira lamang ng mga 2 kutsara.
4. Ilagay na ang manok at timplahan ng paminta, brown sugar, worcestershire sauce, suka at toyo. Takpan at hayaang maluto hanggang sa kumonte na lang ang sabaw.
5. Tikman ang sauce at i-adjust ang lasa.
6. Ihalo ang piniritong tokwa at haluin mabuti hanggang sa ma-coat ng sauce ang lahat ng tokwa.
7. Hanguin sa isang lalagyan at ibudbod sa ibabaw ang piniritong bawang.
Ihain habang mainit pa.
Enjoy!!!
Comments