ENSALADANG PAHUTAN na may KAMATIS at ITLOG NA MAALAT
Taun-taon sa bayan ng aking asawang si Jolly sa San Jose Batangas kami nago-obserba ng mga Mahal na Araw. At katulad ng maraming mga Katolikong Kristyano, nangingilin din kami sa pagkain ng karne sa mga mahal na araw partikular sa Huwebes at Biyernes Santo.
Bago kami umuwi sa bahay ng aking biyenan na si Elo kung saan kami mananatili, dumaan muna kami sa palengke ng San Jose para mamili ng mga pagkaing aming dadalhin. Sa aking pamimili ay nakita ko itong nagtitinda ng pahutan o paho. Ito yung manggang maliliit na masarap naman talagang gawing enselada at i-terno sa pritong isda. Naisip ko din na gustong-gusto ito ng aking asawang si Jolly.
Kahit may kamahal ay bumili pa din ako nito ng ilang piraso. Biro nyo P5.00 ang halaga ng isang maliit na piraso nito? Okay din lang naman. Masarap naman talaga ito lalo na at kasama ang pritong maliliit na galunggong. Hehehehe. Sa loob-loob ko, hindi ata sakrispisyo ang aming nagawang kain ng araw na yun. hehehehe
ENSALADANG PAHUTAN na may KAMATIS at ITLOG NA MAALAT
Mga Sangkap:
Manggang Pahutan o Paho
Kamatis
Itlog na maalat
Puting Sibuyas
Patis
Paraan ng paggawa:
1. Hiwain ng maliliit ang kamatis, sibuyas at manggang pahutan.
2. Hiwain na din ang itlog na maalat sa nais na laki.
3. Ilagay sa isang bowl at timplahan ng patis.
Ihain kasama ng pritong isda.
Enjoy!!!!!
Comments