Pinalabuan (Dinuguan)
Pinalabuan. Ito ang tawag ng mga taga Batangas sa lutuing ito. Ang tawag naman ng mga taga Maynila dito ay Dinuguan. Sa amin sa Bulacan ang tawag naman dito ay Tinumis. Ano man ang tawag dito, isa itong uri ng luto sa baboy na sinasabawan ng dugo ng baboy. Sa lutuin ito, maari ding gumamit ng laman ng baka o kaya naman ay lamang loob ng baboy. Masarap ito na pang-ulam o kaya naman ay kainin na may kasamang puto.
Madali lamang lutuin ito. Ang sekreto lamang dito ay pagkasariwa ng karne na gagamitin at ng dugo ng baboy na ipangsasabaw. Dapat maaga kayo sa palengke para makakuha nito. At syempre ituturo ko sa inyo kung papano mas lalong sasarap ang diniguan ninyo o pinalabuan.
Take note, yung picture sa taas hindi ako ang nag-luto. Luto ito ng mga taga Batangas kung baga orig na pinalabuan yan. Uwi ito sa akin ng aking asawa nung minsang umuwi siya ng Batangas.
PINALABUAN / DINUGUAN
Mga Sangkap:
1 kilo Pork Liempo
1/2 kilo Atay ng baboy
3-4 cup dugo ng baboy
1 cup vinegar
4 pcs. siling pang sigang
salt ang pepper
Maggie Magic Sarap
1 cloves minced garlic
1 large onion
3 pcs. medium tomato
Paraan ng Pagluluto:
1. Pakuluan ang liempo hanggang sa lumambot
2. Kapag malamig na, hiwain ito ng pa-cube. Hiwain din ang atay ng kaparehong laki
3. Sa isang kaserola, igisa ang bawang sibuyas at kamatis sa kaunting mantika
4. Ilagay ang hiniwang karne. Halu-haluin
5. Timplahan ng asin, paminta at suka. Huwag hahaluin para maluto ng tama ang suka. Maaring lagyan ng kaunting tubig kung kinakailangan.
6. Kung may buo-buo ang dugo ng baboy, maari itong hiwain ng pa-cube o kaya naman ay lamutakin na lang hanggang sa madurong.
7. Kung malapit ng lumambot at karne, maari ng ilagay ang atay, siling pang-sigang at dugo ng baboy
8. Haluin ng haluin. Huwag titigilan ang pag-halo hanggang sa maluto na a ng dugo. Kapag itinigil ang pag-halo, maaring magbuo-buo ang dugo at hindi maganda ang kakalabasan ng sabaw ng inyong pinalabuan.
9. Halu-haluin lamang sa mahinang apoy.
10. Timplahan pa ng asin, paminta at maggie magic sarap kung kinakailangan.
Ihain kasama ang mainit na kanin o kaya naman ay puto.
Tunay na isang pagkaing Pilipino ang lutuing ito.
Enjoy!
Comments
Dennis