SINIGANG na BANGUS sa MISO


Nung bata pa ako, madalas na sinigang na bangus ang ulam namin sa bahay. Maraming klase ang sinigang, depende na lang sa pang-asim na gagamitin dito. Komo nga mura lang ang bangus sa amin nung araw, kaya siguro madalas namin itong i-ulam. Hindi ko na matandaan kung kailan huling beses ako nakakain nito. Not until last February 6 sa Giligan restaurant sa Glorietta 5.

Package meal yung in-order namin at kasama nga dito ang sinigang na bangus belly. Nagustuhan ng anak kong si James ang sinigang kaya naman ito ang naisipan kong iluto nitong nakaraang ash wednesday. Ang pagkakaiba nga pala nitong niluto ko dun sa sinigang na nakain ko noong araw ay boneless ang ginamit ko dito. Matinik kasi ang bangus kaya hindi ko ito niluluto sa bahay.... baka matinik ang mga bata. At mula nung makakain ako ng boneless na bangus, hindi na ako sanay kumain nito ng may tinik.....hehehehe.


SINIGANG na BANGUS sa MISO

Mga Sangkap:

2 pcs. Boneless Bangus (hiwain sa nais na laki)

1 taling Kangkong (Gamitin lang yung talbos nito)

1 taling Sitaw (Hiwain ng mga 2 inches ang haba)

1 pc. Labanos (Balatan at i-slice)

1 tali Okra

3 pcs. siling pang sigang
2 pc. kamatis (Hiwain ng apat)

1 pc. Sibuyas (Hiwain ng apat)

2 tbsp. Miso

1 small sachet Sinigang mix

salt o patis


Paraan ng Pagluluto:

1. Sa isang kaserola may kalhating laman na tubig, ilagay ang sibuyas, kamatis at miso. Isalang sa kalan at hayaang kumulo.

2. Kapag kumulo na, hayaan pa ito ng mga 5 minuto at saka ilagay ang sitaw, labanos at okra.

3. Kung malapit ng maluto ang gulay, ilagay na ang bangus.

4. Timplahan na din ng asin o patis ayon sa inyong panlasa. Ilagay na din ang sinigang mix.

5. Huling ilagay ang kangkong. Hayaan ng mga 1 minuto at saka patayin ang apoy ng kalan.

Ihain habang mainit pa ang sabaw.

Enjoy!!!!

Comments

cool fern said…
pwede ba dito ang camote tops,dennis?
cool fern said…
i mean camote tops instead of kangkong?pwede ba yon?o mag-iiba ang lasa ng sabaw??nagtatanong lang powww...

Popular posts from this blog

FOOD SUGGESTIONS para sa mga MAHAL na ARAW

KARE-KARE

Sinigang na Baboy