RIZAL DAY sa AMIN sa TAAL - JANUARY 1?
Pero sa amin sa Taal, Bocaue, Bulacan, alam ba ninyo na tuwing January 1 namin ito ipinagdiriwang? Hindi ko alam kung kailan ito nagsimula at ayon sa aking mga lolo at lola nakagisnan na din nila ito na tuwing a-uno ito ipinagdiriwang.
Nakakatuwa ang okasyong ito sa amin na mga taga Taal, Tambubong, Batia at Caingin. Kasi naman, ang lahat halos ng relihiyon ay nagkakaisa sa pagdiriwang na ito. Kung baga, ito ang fiesta ng lahat ng relihiyon sa lugar namin.
Ilang buwan pa lang bago ang araw ng pagdiriwang, marami nang mga aktibidades ang nangyayari sa aming lugar. May mga quiz bee ayon sa talambuhay ni Rizal, may mga paliga din ng basketball at kung ano-ano pa.
Sa umagang-umaga pa lang ng January 1 ay may pag-aalay na ng bulaklak sa bantayog ni Dr. Rizal sa bakuran ng aming paaralan. Nandoon ang mga namumuno sa pagdiriwang at ang mga nabubuhay pa at kamag-anak ng mga bayani ng aming barangay.
Sa bandang hapon naman ay may parada sibika na nilalahukan ng ibat-ibang organisasyon at mga relihiyon. May kani-kaniyang karosa sila na naglalarawan ng mga tungkol kay Dr. Rizal at iba pa.
Ang aking Kuya Boy bilang pangulo ng pagdiriwang nitong taong ito naman ay naghandog ng karosa na may lulan na Sta. Claus na naghahagis ng mga candy sa lahat ng taong nadaraanan ng karosa. Kasakay din dito ang aking mga pinsan, pamangkin at ang tatlo kong anak na sina Jake, James at Anton.
Narito ang larawan ng ilan sa mga karosa na kasama sa parada:
Naglalarawan ng si Rizal ay nasa Dapitan
Karosa naman ng mga Senior Citizen ang nasa itaas.
Si Rizal at Josephine Bracken naman ang sakay ng karosang ito. Artista daw yung babae pero di ko kilala.
At GomBurZa naman ang inilalarawan ng karosang ito. Ang tatlong pareng martir na ginarote ha nggang sa mamatay.
Nilalarawan naman ng karosang ito si Rizal nung siya ay naka-kulong sa Fort Santiago.
Si Rizal at si Josephine Bracken din ang inilalarawan ng karosang ito. Suot ang tradisyunal na damit noong araw.
Maganda yung karosang ito pero di ko nakita kun g ano ang inilalarawan nito.
Ang aking asawang si Jolly, ang aking mga pamangkin at pinsan, at mga tita habang nanonood ng parada.
Sa gabi naman, mayroon ding palabas at tampok dito ang pagbigkas ng Huling Paalam ni Rizal. Nitong taong ito ang artistang si Chin-chin Gutierez ang bumigkas ng makasaysayang tula. Hindi ko nasaksihan ang palabas ng gabing yun dahil kailangan na naming umuwi sa aming bahay sa Quezon City. Pero ayon sa aking kapatid, punong-puno daw ng tao ang lugar na pinagdausan ng programa.
Nakakatuwa, nang dahil kay Rizal ay nagkakaisa ang mga tao sa amin magkakaiba man kami ng relihiyon o partidong politikal. Sana lang ay magpatuloy pa ang mga ganitong pagdiriwang lalo na at nagpapakita ito ng kadakilaan ng isang bayani na maaring tularan ng ating mga kabataan ngayon.
Masasabi kong..Proud ako na taga Taal!!!!
Comments