BIYERNES SANTO
Hindi ko matandaan kung anong year nangyari but I think mga 1985 or 1986 yun. Nag-outing kaming magkaka-opisina papuntang La Union sa norte. Isang van kami nun. Miyerkules Santon ng kami ay umalis ng Manila.
Diretso kami ng La Union nun at ng Biyernes Santon naman ay umakyat kami ng Baguio. Mag-hapon lang laking namasyal sa Baguio at nang bandang pahapon na ay bumalik na kami ng La Union. Sa Marcos Highway kami dumaan. Nadaanan pa nga namin yung malaking ulo na rebulto ni Marcos.
Sa likod ng van ako naka-upo. At dahil sa sobrang pagod sa pamamasyal sa Baguio ay nakatulog ako. Nagulat na lang ako nang mag-sigawan ang aking mga kasamahan at kasabay ng matinding paguga ng aming sasakyan. Yun pala, nawalan ng break ang aming sinasakyan at kamuntik na kaming mahulog sa bangin. Di ba ang tatarik ng bangin sa Marcos highway?
Buti na lang at naisalpok ng driver namin ang sasakyan sa tumpok ng mga buhangin na nasa tabi ng bangin at hindi kami nag-tuloy tuloy pabulusok sa bangin kung hindi ay marahil pantay na kaming lahat. Nangangatog kaming lahat na bumaba ng sasakyan at di namin lubos maisip na kamuntik na kaming mamatay.
Bakit ko nai-kwento ito? Mula kasi nun hindi na ako nag-a-outing sa araw ng Biyernes Santo. Sa bahay na lang ako at nagninilay sa mga paghihirap ni Hesus.
Hindi ko sinusumbatan ang mga pinipiling mag-outing o magbakasyon sa mga mahal na araw. Ang sinasabi ko lang ay ang aking personal na karanasan sa napaka-dakila at banal na araw na ito.
Biyernes Santo....Ang araw kung kailan nagpakahirap si Hesus at inialay ang kanyang sarili para tubusin ang ating mga kasalanan. Ang araw kung papaano ipinakita Niya sa atin ang kanyang pagmamahal sa iyo, sa akin at sa buong mundo.
Isang araw lang naman ito.... Let's make it holy. God Bless Us All......
Comments