FRIED ADOBONG GIGI (Galunggong)
Sa mga isda, ang galunggong ang isa sa mga paborito ko. Nung araw, madalas itong ulam namin sa bahay. Ofcourse prito ang pangkaraniwang luto dito ng aking Inang Lina. Tig-kakalhati lang kami sa bawat piraso ng isda at ang pinipili ko lagi ay yung parte ng buntot. Habang inuulam ko ito, ini-imagine ko na hita ng manok ang aking kinakain. Hehehehe.
Gustong-gusto ko ang isdang ito kasi hindi siya matinik. Malasa din ang laman nito. Konting kurot lang ng laman nito at isasawsaw mo sa toyo na may calamansi sabay sama sa mainit na kanin ay tiyak kong magana ang iyong kain. Masarap na ternuhan ito ng adobong kangkong o kaya naman ay sitaw.
Naisipan kong magluto nitong entry natin for today dahil sa isang article na nabasa ko sa Lifestyle feature ng Inquuirer. Nakalimutan ko lang yung pangalan ng author. Pero tungkol ito sa pritong galunggong na in-adobo muna bago i-prito. Ang pagkakaiba? Mas lalong sumarap ang hamak na galunggong. Try nyo din.
FRIED ADOBONG GIGI (Galunggong)
Mga Sangkap:
1 kilo medium to large size Galungong
5 cloves minced Garlic
1/2 cup Vinegar
1/4 cup Soy Sauce
2 pcs. Dried Laurel leaves
Salt and pepper to taste
Cooking oil for frying
Paraan ng pagluluto:
1. I-marinade ang galunggong sa asin, paminta, bawang, suka at toyo. Hayaan ng mga 15 minuto.
2. Sa isang kaserola, pakuluan ang isda kasama ang marinade mix. Lutuin ito ng mga 15 minuto din.
3. Alisin sa pinagpakuluan ang isda at i-drain sa paper towel. Palamigin sandali.
4. I-prito ito ng lubog sa mantika hanggang sa pumula ang balat.
Ihain habang mainit pa.
Enjoy!!!!
Comments
Nice yung pict nyo sa Hongkong ha....