CHICKEN & HOFAN NOODLES GUISADO
Alam nyo ba kung ano itong Hofan noodles? Ito yung noodles na gawa sa bigas na parang bihon natin pero malalapad ang bawat hibla. Unang beses kong maka-tikim nito ay yung dish na Beef Hofan sa isang Chinese restaurant.
The last time na mag-grocery kami, nakita ko itong Hofan noodles na ito at naisip ko na bakit hindi ako magluto nito pero guisado katulad ng pancit ang luto na gagawin. For a change kung baga.
Masarap naman ang kinalabasan ng dish. Pero aaminin ko na medyo pumalpak ako ng bahagya sa isang ito. Hindi ko kasi na-recall na kailangan na ibabad muna yung noodles sa tubig hanggang sa lumambot at saka iluluto. Ang nangyari, parang lumapot yung sauce ng pancit na para tuloy spaghetti ang dating. Siguro next time ganun na ang gagawin ko.
Sa mga magta-try ng dish na ito, take note na kailangang ibabad muna sa tubig ang hofan noodles bago isama sa ginisang laman at gulay.
CHICKEN & HOFAN NOODLES GUISADO
Mga Sangkap:
5 pcs. Chicken Thigh Fillet
400 grams Hofan Noodles
1 large Carrot
100 grams Baguio Beans
Repolyo
Kinchay
5 cloves minced Garlic
1 large Onion (sliced )
1/2 cup Oyster Sauce
1/2 cup Soy Sauce
3 pcs. Egg (beaten)
1 tsp. Maggie Magic Sarap
2 cups Chicken broth or 2 pcs. Knorr Chicken Cubes dissolve in water
2 tbsp. Canola oil
Salt and pepper to taste
Paraan ng pagluluto:
1. Ibabad ang hofan noodles sa tubig hanggang sa lumambot. I-drain
2. Hiwain ang mga gulay sa nais na laki na makaka-size.
3. Timplahan ng asin at paminta ang chicken thigh fillet. Hayaan ng ilang sandali
4. Sa isang non-stick na kawali, i-prito ang binating itlog sa kaunting mantika. Hanguin muna sa isang lalagyan.
5. Sa parehong non-stick na kawali, i-pan-grill ang chicken fillet hanggang sa pumula ng bahagya ang magkabilang side. Hanguin at palamigin sandali. Hiwain na sin laki nung mga gulay.
6. Sa isang kawali (yung magkakasya ang inyong gulay at noodles), igisa ang bawang at sibuyas sa mantika.
7. Sunod na ilagay ang hiniwang manok. Halu-haluin.
8. Ilagay na ang chicken broth, oyster sauce at soy sauce. Hintaying kumulo.
9. Tikman ang sabaw kung tama na ang lasa. Adjust ang timpla kung kinakailangan.
10. Ilagay na ang hofan noodles at mga gulay. Haluin mabuti hanggang sa ma-coat ng sauce ang lahat ng mga noodles.
11. Hanguin sa isang lalagyan at lagyan ng hiniwang kinchay at scrambled egg sa ibabaw.
Ihain na may kasamang patis at calamansi sa side.
Enjoy!!!!
Comments