CHICKEN HAMONADO ROLL
Ang hamonado ang isang ulam na madalas natin nakakain sa mga handaan kagaya ng fiesta, kasalan o binyagan man. Isang dish ito na karne ng baboy ang ginagamit at niluluto sa pineapple juice at iba pang sangkap. Pangkaraniwang niro-roll ito at pinapalaman ng hotdog ang iba. Masarap talaga ito lalo na kung mas matagal ibinabad ang karne sa pineapple juice.
May nagawa na din akong chicken version nito sa archive pero hindi ko ito ni-roll at mga thigh part ng manok ang aking ginamit. Hit na hit ito sa aking pamilya kaya naman ginawa ko na ang naka-roll na version nito. At ito na nga ang entry ko for today. Isa lang ang negative comment ng aking asawang si Jolly sa dish na ito. Sana daw ay yung regular size lang ng hotdog ang aking ginamit. Jumbo kasi yung available sa fridge at yun nga lang ang nagamit ko. Ang nangyari, parang naaagaw ng hotdog ang lasa ng hamonado. pero okay lang. pasado pa rin ang dish na ito.
CHICKEN HAMONADO ROLL
Mga Sangkap:
6 pcs. Whole Chicken Breast Fillet (skinless)
6 pcs. Regular Hotdogs
5 cups Sweetened Pineapple Juice
1/2 cup Soy Sauce
1 head minced Garlic
1 pc. large Onion (chopped)
1 cup or more Brown Sugar
1 tsp. Cornstarch
Salt and pepper to taste
Paraan ng pagluluto:
1. Gamit ang kitchen mallet, pitpitin ang bawat piraso ng chicken breast fillet hanggang sa numipis ito. Ingat na huwag masira ang bawat piraso.
2. Timplahan ito ng asin at paminta. Hayaan ng ilang sandali.
3. Ilatag ang bawat piraso ng pinitpit na chicken fillet at lagyan sa gitna ng 1 pirasong hotdog.
4. I-roll ito nang mabuti at talian gamit ang pangurdon o kitchen twine at ilagay sa isang square na lalagyan.
5. Ibuhos sa mga rolls ang pineapple juice at ilagay na din ang bawang at sibuyas. I-marinade ito ng overnight o higit pa.
6. Kung lulutuin na, ilagay ito sa isang heavy bottom na kaserola kasama ang marinade mix. Ilagay na din ang toyo at brown sugar. Pakuluan hanggang sa maluto ito at kumonte na lang ang sauce.
7. Tikman ang sauce at i-adjust ang lasa. Maaring lagyan pa ng brown sugar at asin.
8. Hanguin ang mga roll sa isang lalagyan at palamigin.
9. Ilagay ang tinunaw na cornstarch sa sauce para lumapot.
10. Kung malamig na ang roll, alisin ang tali nito at hiwain sa nais na nipis.
11. Ilagay sa isang lalagyan at ibuhos sa ibabaw ang sauce.
Ihain at i-enjoy.
Comments