MIKI MANOK at PATOLA GUISADO
Wala na talagang hihigit pa sa sariwang gulay na bagong pitas lang at diretso sa inyong lutuin. Manamis-namis kasi ang lasa nito at kahit kakaunti lang ang sahog na karne o pampalasa at masarap pa rin talaga amg lasa.
Nitong huling uwi ko sa aking bayang sinilangan sa Bocaue Bulacan, pinauwian ako ng aking Tatang Villamor ng kanyang aning patola. Gustong-gusto ko ang gulay na ito lalo na kung simpleng luto lang ang gagawin. Mas mainam na simpleng luto lang ang gawin para naroon pa rin yung masarap na flavor ng sariwang gulay at hindi natatabunan ng iba pang sangkap.
Natatandaan ko pa noong araw lagi itong inilalahok ng aking Inang Lina sa Misua na may bola-bola. Madalas simpleng ginisa lang ang ginagawa nitya dito na may lahok lang na maliliit na hipon. Ang sarap talaga, nagbabalik tuloy ang ala-ala nang aking kabataan.
Simpleng luto din ang ginawa kong luto sa mga patolang ito na pauwi nga sa akin. Iginisa ko lang siya na may kasamang dried miki at chicken fillet. Nakakatuwa dahil maging ang aking mga anak ay sarap na sarap sa aking niluto.
MIKI MANOK at PATOLA GUISADO
Mga Sangkap:
1/2 kilo Chicken Thigh Fillet (skin-on, cut into bite size pieces)
4 pcs. medium size Patola (slice)
2 tangkay Celery (slice)
250 grams Dried or Fresh Miki Noodles
5 cloves minced Garlic
1 large Onion (slice)
2 tbsp. Cooking oil
Salt and pepper to taste
Paraan ng pagluluto:
1. Sa isang kawali o kasirola, igisa ang bawang at sibuyas sa kaunting mantika. Halu-haluin.
2. Sunod na ilagay ang chicken fillet at timplahan ng asin at paminta. Hayaang ma-prito ng bahagya ang manok.
3. Lagyan ng 2 tasang tubig at takpan hanggang sa maluto ang manok.
4. Sunod na ilagay ang patola. Takpan muli at hayaan ng mga 3 minuto.
5. Ilagay na ang miki at halu-haluin. Takpan mulia
6. Tikman ang sauce at i-adjust ang lasa.
7. Huling ilagay ang celery at saka patayin ang apoy.
Ihain habang mainit pa.
Enjoy!!!
Comments