INIHAW NA LIEMPO: Pinaka-simple
Nitong nakaraang Linggo hindi kami lumabas ng aming bahay dahil na din sa dami ng mga gawain na kailangan tapusin. At dahil minsan lang kami magkasabay-sabay kumain, naisipan kong magluto ng isang simple pero espesyal na tanghalian.
Tinanong ko ang aking asawang si Jolly kung ano ang gusto niyang pang-ulam. Ang ilan sa mga nabanggit niya ay Sinigang na isda, steamed na alimango o alimasag at inihaw na isda. Ang nasa isip ko naman ay sinigang na hipon .
Pero nung nasa palengke na ako (Farmers market sa Cubao), nabago lahat at hindi ko napagbigyan ang hiling ng aking asawa. Bakit ba naman e sobrang mamahal ng mga ito. Imagine ang hipon nasa P350 to P600 ang per kilo. Ang alimango naman ay nasa P400 to P500 din ang per kilo mga lalaki pa at mukhang mapapayat. Ang sida naman na sigangin ay ganun din sa mahal. Gusto ko mang pagbigyan ang aking asawa pero over over the budget talaga ang magiging lunch namin that day.
So naisipan kong baguhin na lang ang menu. May nakita akong malalaking tahong (although mahal din ang per kilo P150/kilo) ay masarap kakong sabawan o yung parang tinola ang luto. Bumili din ako ng 1 kilo ng hiwa sa tiyan o pork liempo para naman ihawin. Pinakasimpleng timpla at luto ang aking ginawa dito. Walang kung ano-ano na inilagay sa marinade. At yun na nga ang aming tinanghalian. Natawa nga ako sa aking anak na James. Bakit daw dalawa ang ulam? Hehehehe..Kasi kako espesyal ang araw na yun para sa aming lahat.
Talagang nawala at nakalimutan ko ang king diet. Hehehehe. Sabagay, minsan-minsan lang naman. Hehehehe
INIHAW NA LIEMPO: Pinaka-simple
Mga Sangkap:
1 kilo Pork Liempo
10 pcs. Calamansi
1/2 cup Soy Sauce
1 tsp. Freshly ground Black pepper
1 tbsp. Rock Salt
1 tbsp. Brown Sugar
Paraan ng pagluluto:
1. Sa isang bowl paghaluin ang lahat ng mga sangkap at hayaan ng mga 1 oras. mas matagal mas mainam.
2. I-ihaw ito sa baga o sa griller hanggang sa maluto.
Ihain habang mainit pa na may sawsawang toyo na may katas ng calamansi.
Enjoy!!!!
Comments