SEMANA SANTA sa SAN JOSE BATANGAS 2015

Ang Semana Santa ay panahon sa ating mga Katolikong Kristyano kung kailan ating inaalala ang paghihirap at pagpapakasakit ng ating Panginoong Hesus para sa ating mga nagawang kasalanan.   Mga araw din ito para magnilay sa ating sarili at sa personal na relasyon natin sa Diyos.

Miyerkules Santo pa lang ay umuwi na kami sa bayan ng aking asawang si Jolly sa San Jose Batangas kagaya ng ginagawa namin taun-taon para gunitain nga ang mga Mahal na Araw.

Bagamat araw ito ng pangingilin nagkaroon pa din kami ng kaunting salu-salo para sa buong pamilya.   Pritong isda, ginisang munggo na may hibe at ensaladang kamatis na may itlog na pula ang aming pinagsaluhan.

Bandang 4:30 ng hapon na yun ng Biyernes Santo naman ay pumunta kami ng simbahan ng San Jose para naman sa prusiyon ng paglilibing.   Bago ang prusisyon ay nagkaroon din ng misa sa loob ng simbahan.
 
Napakaraming tao ang nasa loob at labas ng simbahan.   Lahat ay naghihintay sa pagsisimula ng prusisyon.

Kasama ang aking buong pamilya, nagdadasal kaming sumunod sa karo ng kamag-anak ng aking asawa nasi Kuya Julius.   Ang kanilang karo ay may laman na Hesus na nadapa habang pasan niya ang krus.

Gabi na nang matapos ang prusisyon.  At kagaya ng nakaugalian, nagkakagulong nagkuhanan ng mga bulaklak at dahon na naka-lagay sa mga karo ang mga tao.   Ako din ay nakikuha at inilagay sa altar sa bahay ng aking biyenan.

KInabukasan naman Sabado de Gloria ay pumunta kami sa simbahan ng mga Carmelite sa Lipa City Batangas.   Noon pa ay gusto ko nang mapunta dito dahil sa aking paniniwala na nagpakita nga dito ang Mahal na Birheng Maria noong September 12, 1948.

Lubos ang aking kaligayahan ng mga oras na yun at talagang naramdaman ko ang prisensya ng Mahal na Ina sa aking puso.

Nakapagdasal din kami ng rosaryo ng aking asawang si Jolly at nagkaroon din ako ng pagkakataon na mabili ng imahen ng Mahal na Ina.



11:00 ng tanghali naman ay pumunta na kami sa ilog kung saan idinadaos ang taun-taong reunion ng pamilya Flores.   Sa taong ito, ang mag-asawang Luz at Nick ang natokang mamahala ng reunion.

Marami ang pagkaing inihanda.   May pancit, adobo, afritada, kilawin, pinalabuan, pochero at iba pa.

At mawawala ba ang inuman sa kanitong kasiyahan?   Syempre kumpleto ang mga pagpipinsan sa ganitong harapan.   kay sarap kayang uminom na nakababad pa ang iyong papa sa malamig na tubig ng ilog.   Hehehehe

At habang nag-inuman ang mga kalalakihan, ang mga bata naman ay enjoy sa paliligo sa ilog na ginawa na ring parang swimming pool.

Kinagabihan, bumalik ulit kami sa simbahan ng Carmel sa Lipa para naman sa Easter Vigil ng alas-8 .  Limang pare ang nag-misa at inabot ito ng alas-10 ng gabi.

Uwi kaming punong-puno ng biyaya na natanggap mula sa Diyos.

Linggo ng pagkabuhay naman ay naging busy ako sa pagluluto para sa isang panaghalian bilang pasasalamat sa pag-graduate ng dalawa kong anak na sina Jake at Anton na kasabay na din ng kamatayan ng aking biyenang lalaki na si Tunying.   11 ng umaga nag-umpisa ang padasal at pagkatapos noon ay ang patanghalian na.   Calamares, fish fillet with white sauce, Pata tim at tinolang manok lang naman ang aking inihanda.  Aabangan nyo na lang po ang mga susunod kong post para dito.

At yan po ang mga ginawa namin nitong nakaraang Semana Santa.

Hanggang sa muli......

Comments

Popular posts from this blog

FOOD SUGGESTIONS para sa mga MAHAL na ARAW

KARE-KARE

Sinigang na Baboy