PORK CALDERETA Batangas Style
Ang mga lutuing nakasanayan na natin katulad ng adobo ay napakaraming bersyon depende sa lugar. Maging ang mga sangkap na inilalagay ay nagiiba-iba din depende sa kung ano ang mayroon sa lugar.
Ganun din sa lugar ng aking asawang si Jolly sa San Jose Batangas, Yung adobo nila doon ay iba sa adobo na alam ko. Minsan, hindi lang yung sangkap at paraan ng pagluluto ang naiiba. Minsan, maging ang tawag at pangalan nito ay naiiba din.
Katulad nga paborito nating embotido. Sa amin sa Bulacan at maging dito sa Maynila ay embitodo ang tawag sa ginilingna nilahukan ng iba pang mga sangkap at saka ini-roll sa aluminum foil pagkatapos ay ini-steam. Sa Batangas, morcon ang tawag naman nila dito. pareho lang ang mga sangkap pero yung sa kanila nakabalot sa dahon. Sa amin sa Bulacan ang morcon naman ay yung beef slices na pinalamanan ng atay, chorizo, cheese at kung ano-ano pa.
Ganun sa luto nila ng caldereta. Pangkaraniwan ay nilalagyan natin ito ng tomato sauce. Pero sa Batangas, walang tomato sauce. Pero wag ka. Masarap pa rin ang caldereta nila. Mapa baka, baboy o kambing man.
Narito po ang brsyon ko ng Pork Caldereta Batangas style.
PORK CALDERETA Batangas Style
Mga Sangkap:
1 kilo Pork Belly (piliin yung manipis lang ang taba at hiwain ng pa-cubes)
1 small can Reno Liver Spread
1/2 cup Sweet Pickle Relish
1 cup Grated Cheese
1/2 cup Melted Butter
3 pcs. Potatoes (quatered)
1/2 cup Soy Sauce
1 head Minced Garlic
1 pc. large Onion (chopped)
1 tsp. Freshly Ground black Pepper
Salt to taste
Paraan ng pagluluto:
1. Sa isang heavy bottom na kaserola, igisa ang bawang at sibuyas sa butter.
2. Ilagay na agad ang karne ng baboy at timplahan ng asin at paminta. Halu-haluin at hayaang masangkutsa.
3. Sunod na ilagay ang toyo at sweet pickle relish. Lagyan din ng 1 tasang tubig at saka takpan. Maaring lagyan pa ng tubig kung kinakailangan.
4. Kung malambot na ang karne, ilagay na ang patatas at takpan muli,
5. Huling ilagay ang reno liver spread at ang grated cheese.
6. Tikman ang sauce at i-adjust ang lasa.
Ihain habang mainit pa.
Enjoy!!!!
Comments